Huwebes, Mayo 10, 2012

CARE DIVAS: (Ang buhay sa likod ng makulay na pagtatanghal)






  Isa ka sa mga taong nakaaangat sa buhay kung ang mga magulang mo ay naghahanapbuhay sa ibang bansa, ito ay ayon sa kanilang paniniwala. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay dugo’t pawis ang inilalaan ng kanilang magulang upang makapagpadala ng pera dito sa Pilipinas. Dahil katulad nila ang aking ina ay isa ring OFW sa bansang Saudi Arabia. Ramdam ko ang hirap niya sa tuwing pinaaalahanan niya kami na tipirin at ilaan lamang sa mga importanteng bagay ang kanyang ipinapadala. Hindi na rin sya halos nakauuwi ng ilang taon para magbakasyon dahil kinakailangan niyang mag-ipon para sa anumang gastusin naming magkakapatid. Kung nahihirapan tayo sa ganitong sitwasyon, paano pa kaya silan mga nasa ibang bansa? Silang nagbabanat ng buto upang punan ang ating mga pangangailangan? Silang nangungulila ng higit sa pamilya na wala man lang kapanalig kung hindi ang kanilang kaluluwa? ito ang ilan sa mga tanong at dahilan na sumagi sa aking isipan kaya lubos kong nagustuhan ang play na care divas.
           
          Ito ay tungkol sa isang grupo ng caregiver sa umaga at divas naman kapag gabi. Mga OFW na nagbibigay aliw at kasiyahan sa sinumang makakapanuod ng kanilang pagtatanghal. Masasabi kong napakaganda ng konsepto na kanilang napili, dahil unang una ito ay tunay na nangyayari sa kontemporaryong panahon. Malaking porsyento ng mga Pilipino ang nangingibang bansa upang hanapin ang kanilang ligaw na kapalaran. Ikalawa, ginamit nilang pangunahing tauhan ang mga taong nabibilang sa “ikatlong kasarian” na bagama’t pinupukol ng kaliwa’t kanang diskriminasyon ay mayroon pa ring kakaibang  katangian, ang makapag pasaya sa bawat salitang kanilang binibitawan na kung iyong maririnig ay mag iiwan ng ngiti sa iyong mga labi. Sa madaling sabi ay “mabenta” sa bawat manonood. Bukod pa sa mga salik na aking nabanggit isa ring naging highlight ng play na ito ay ang paraan ng kanilang pagsasalita at pagbabatuhan ng linya ay sa pa kantang paraan, mga kantang tunay ngang tumatak pa rin sa aming isipan at naka ukit parin sa dulo ng aming mga dila “kikinis din at kikinang kinang”. Animo’y isang solidong kaluguran ang aking nadama pagkatapos kong mapanuod ang pagtatanghal na ito. Sapagkat naipakita at naipadama na ang anumang emosyon na nais nilang iparating. Nariyan ang lungkot, tuwa, pagkasabik at pagkadismaya na nakakubli sa bawat tauhang gumanap rito.
            
          Madaling makapukaw ng atensyon ang ganitong uri ng pagtatanghal . Dahil higit pa sa magagarbong kasuotan na kanilang ginamit, makukulay na pailaw at nag gagandahang musika ang tunay nitong kahulugan. Ang pag-ibig ay tunay ngang dakila at wagas. Pag- ibig sa kapwa, kaibigan, pamilya, kapanalig  o maging sa taong hindi naman natin lubusang kilala. Handa tayong magsakripisyo at harapin ang anumang nakaambang hamon para lamang sa inaasam nilang kaligayahan.

LOTTO: salita ng taon 2010


     Tinakasan na ng haring araw ang buong kapaligiran. Ngunit nakapagtataka na nagsasalimbayan pa ang mga tao, mayroong galing ng opisina, mga guro mula sa paaralan o maging mga ordinaryong nilalang. Isang mahabang pila ang humarang sa aking daraanan. Kung anuman ang iniisip mo, nagkakamali ka. Walang libreng NFA rice na ipinamamahagi, walang shooting ng artista ang nagaganap, at lalong walang libreng pagkain mula sa isang sikat na restaurant. Mag-aalas syete na kasi ng gabi. Ang lahat ay hinahabol ang tumatakbong oras. Tatlumpung minuto mula sa sandaling ito ay magsasara na ang mga lotto outlets. Sa pagkakataong ito tama ang iyong nabasa at hindi pawang isang typograpical error lamang. Bata man o matanda, may ngipin man o wala, lahat sila’y aligaga at nagbabaka sakaling magiging susunod na milyonaryo mula sa kombinasyon ng numerong kanilang tangan. Umaasang mababago ang kapalaran sa pinaka mabilis na paraan, ang pagtaya sa LOTTO.


Isang walang kamatayang debate dito sa Pilipinas ang pag-usbong ng LOTTO. Dahil nga ito ay isang legal na pagsusugal. Bago pa man pumatok sa merkado ang larong ito ay nauna na ng nagningning ang jueteng. Ito ay isang ilegal na laro na maari kang tumaya mula piso at tayaaan ang swerteng numero para sa iyo. Tinangkilik ito ng masa dahil sa mura nitong presyo at naging paborito na rin lalong lalo na ng mahihirap sa probinsya.
Umani ng kritisimo ang gobyerno dahil sa sugal na ito, kung kaya’t nagpasya silang pigilan ang larong ito sa pagsakop sa sangkatauhan alinsabay nito ay ipinakilala nila ang LOTTO. Mas mahal ang tiket kaysa jueteng at mas marami na rin ang tinatayaaang numero gayunpaman mas malaki ang premyong makukuha rito na siguradong lahat tayo’y naghahangad.
bago ka pa man tuluyang takasan ng bait ay ipakikilala ko na sa iyo ang bida ng entablado.


Saan maaring malaman ang resulta ng tinayaang LOTTO?


Ang Philippine lotto draw ay isang programa sa telebisyon na ginawa ng Philippine charity sweepstakes office (PCSO) simula pa noong Marso 18, 1995 at mapakikinggan sa AM radio ng DZME. Ang nasabing programa ay ang palabas kung saan ibinibigay ang resulta ng LOTTO. Maari ring mabasa ang resulta sa mga pahayagan tulad na lang ng “bulgar”.
Bago magsimula ang pagbola ng LOTTO ay kinakailangan munang dumaan sa masusing proseso ang mga bola at blowing machines na gagamitin:
Sinusuring mabuti ang bawat blowing machines na gagamitin araw araw bago magsimula ang pagbola upang hindi magkaroon ng aberya kung sakaling magsimula na ito. Inilalagay sa portpolyo ang lahat ng bolang ginagamit upang hindi ito masira at magkulang. Tinitimbang din ang bawat bolang gagamitin, walang mabigat at wala ring magaan, lahat ay pare parehas ng sukat at bigat upang maiwasan ang dayaan. Pagkatapos ng ilang pagsusuri ay doon pa lamang maaring simulan ang pagbola.


Anu- ano ang mga kard na maaring tayaan sa LOTTO?


Ang 6/42 ay ang orihinal na lotto draw na nagsimula noong 1995. Una itong nilaro sa Luzon at ng kalaunan ay ipinakilala sa visayas at Mindanao. Mula sa kanyang pangalan, maaring tumaya ng anim na numero mula 1 hanggang 42. Para manalo, kinakailangang lumabas ang tatlong sa mga numerong tinayaang mo. Kung nakuha mo ang anim na iyon ay makukuha mo ang pinaka malaking premyo.
Ang LOTTO 6/45 naman ay may malaking pagkakahawig din sa unang nabanggit. Maaring pumili ng 6 na numero mula 1 hanggang 45. Kailangan ring makakuha ng kahit tatlong numero sa mga numerong tinayaan mo at kapag nakuha ang lahat ng numero ay mas malaki ang premyong makukuha kaysa sa 6/42.
Super LOTTO 6/49, mas mahirap naman makuha ang premyo kaysa sa unang dalawang nabanggit. Dahil mas marami na ang numerong pagpipilian. Simula 1 hanggang 49.
Grand lotto 6/55 ay ipinakilala nito lamang abril 2010. Pareho pa rin ang mekaniks ng paglalaro ngunit ang tanging ipinagkakaiba ay pipili ka ng numero mula 1 hanggang 55.
Ez2 LOTTO ay ibang iba sa mga unang kard na aking nabanggit. Simula 1 hanggang 31 ay kailangang makahula ka ng dalwang numero na magkasunod sa lumabas na kombinasyon.


Sino sino ang maaring tumaya ng LOTTO?


Pinahihintulutang tumaya sa larong ito ang kahit sino mang nilalang na may edad 18 taon gulang pataas. Kahit man ikaw ay isang dayuhan ay maari ka ring sumali sa sa LOTTO ditto sa pilipinas.
Kung sakaling ikaw man ang nanalo, paano mo makukuha ang iyong premyo?
Kailangang ilagay ang buong pangalan at pirma sa likod ng tiket na ipinanalo. Ang maliliit lamang na premyo ay maaaring kunin sa lotto outlet na iyong pinagtayaaan, samantala kung ang pinaka malaking premyo ang iyong nakuha ay maari lamang itong i-claim sa main office ng pcso.


Sariwa pa sa ating pandinig at marahil nakaukit pa sa dulo ng ating mga dila ang pagkapanalo ng isang Pilipino sa pinaka malaking premyo ng lotto sa kasaysayan na may kombinasyong  11-16-42-47-31-37 na sinasabing taga olonggapo city. Dahil na rin sa pagkapanalong iyon ay mayroon ding parte ang lotto outlet na kanyang pinagtayaan. Naaalala ko pa ng sinabi ng may-ari ng outlet na hindi ito ang kauna unahang pagkakataon na nanalo ng grand prize ang mga tumataya ditto.sa katunayan ito na ang kaapat na pagkakataon. Kay sainasabing masuwerteng tuna yang lotto outlet na ito.


Dahil nga unti unti nang gumuguhit ang LOTTO sa ating kasaysayan ay naglunsad n palabas ang GMA kapuso na pinamagatang “Pepito Manoloto”. Isa itong reality sitcom kung saan ipinapakita ang malaking pagbabago ng iyong buhay sa isang iglap na manalo ka ng pinaka malaking premyo sa LOTTO. Nagbibigay rin sila ng tips kung paano gamitin ang pera sa maayos at kapakipakinabang na paraan.


Ang lotto, para sa akin ay karapat dapat na tanghaling salita ng taon 2010. Nagging tampok ng usap-usapan ng mga barbero, mga kasambahay, tindera sa palengke at maging mga naglalaba sa batis. Gayunpaman, hindi natin dapat isaalang alang an gating kapalaran mula sa mga numerong ating inaalagaan. Oo nga’t hindi masamang mangarap, dahil iyon na lamang ang natitirang bagay sa mundo na maari nating gawin ng wlang katumbas na halaga. Ngunit wala pa ring mas dadaig sa “pagsisikap” mula doon ay matatagpuan mo ang susi ng pintong matagal mo ng hinahanap.

LSS (pagbuhay sa nangamatay na OPM)

     Sa patuloy na pagsakop ng social networking site sa ating katauhan, marahil hindi na bago sa inyo ang salitang "LSS" o last song syndrome. Iyon bang animo'y nakaukit ang liriko at himig ng huli mong napakinggang awit sa iyong isipan. Patuloy mo itong naaalala at kinakanta ng paulit-ulit habang nagpapagupit sa Parlor, nakikinig sa pag-aaway ng kapitbahay,bumibili ng ulam sa palengke o maging habang naglalaba sa batis. itanggi mo man o hindi ang mga kantang ito na nakapagpa -LSS sa iyo ay ang mga kantang "alien" para sa ating mga Pilipino. Sa madaling sabi ay produkto ng mga dayuhan. Tunay ngang nakalalason ang mga ganitong uri ng kanta. Sapagkat karamihan sa ma Pilipinong nakaririnig nito partikular na ang mga kabataan ay nagkakaroon ng amnesia . Ang ibig kong sabihin ay nabubura na sa kanilang ala ala ang musikang Pilipino at napapalitan ng mga awiting kung tutuusin ay hindi naman talaga malinaw para sa atin ang tunay nitong kahulugan.


NP: ANAK NG PASIG 

Ako'y umusbong sa tabi ng Pasig
Nagisnan ang ilog na itim ang tubig
Lumaking paligid ng bundok na umuusok
Langhap na langhap ang amoy ng basurang bulok

Ito ang buhay ng anak ng Pasig
Pa-swimming swimming sa itim na tubig
Playground lang ang bundok ng basura mo
Musika'y ugong ng kotse at bangka n'yo

Anak ng Pasig naman kayo
Kalat doon, kalat dito
Natakpan na ang langit kong ito
Nilason din ang Ilog ko

Akala ko'y ganoon talaga ang mundo
Hanggang nakakita ako ng lumang litrato
Di maniwalang Pasig din ang tinitignan ko
Kaibigan ano ang nangyari dito
(Anong nangyari? Anong nangyari?)

Anak ng Pasig naman kayo
Kalat doon, kalat dito
Natakpan na ang langit kong ito
Nilason din ang Ilog ko

Anak ng Pasig naman kayo
Tapon doon, tapon dito
Di n'yo alam ang tinatapon n'yo
Ay bukas ko at ng buong mundo

Huli na ba ang lahat
Patay na ba ang ilog at dagat
Kapag Pasig ay pinabayaan
Parang bukas ang tinalikuran

Anak ng Pasig naman kayo
Kalat doon, kalat dito
Natakpan na ang langit kong ito
Nilason din ang Ilog ko

Anak ng Pasig naman kayo
Tapon doon, tapon dito
Di n'yo alam ang tinatapon n'yo
Ay bukas ko at ng buong mundo

Anak ng Pasig naman kayo
May bukas pa ang ating mundo.

     Gaya ng aking unang nabanggit, maging ako ay na-LSS na rin sa awiting ito. Ngunit nais kong linawin na ako ay Pilipino kaya buong puso kong tinatangkilik ang musikang solidong produkto ng lupa kong tinubuan, ang Pilipinas.

     "di niyo alam ang tinatapon niyo ay bukas ko at ng buong mundo". isang linya mula sa kantang Anak ng Pasig.Sa katunayan ako'y nasa ikatlong taon na ng sekondarya bago ko pa nakilala ang kantang ito, ni minsan kasi ay hindi ko ito napakinggan sa radyo at kung hindi dahil sa patimpalak sa aming paaralan, marahil ay bulag at manhid pa rin ako sa mga sandaling ito. 

     Polusyon ang pinaka malaking kalapastanganan natin sa kalikasan. Unti unti nitong kinikitil ang paraisong ngayo'y sa panaginip na lang masisilayan. Ito rin ang dahilan kung bakit ko lubos na nagustuhan ang awiting anak ng pasig. pangunahing dahilan ay ginigising nito ang natutulog nating kamalayan patungkol sa tunay na kalagayan ni inang kalikasan. ipinagkukumpara dito ang kapaligiran sa kasalukuyan at nakaraan. Maganda ang naging konsepto ng manunulat kung bakit niya ginawa ang kantang ito, isa na rin sigurong aspeto ay ang kanyang karanasan sa kanyang kapaligiran na ayon nga sa isang panayam kay Adru Abraham. Marahil ito ang kanyang naisip na paraan upang baguhin ang anumang pagpapabaya ng bawat isa sa atin. ginamit niya ang ilog pasig bilang simbolo ng ating bansa, dahil kung tutuusin hindi lamang ang ilog na nabanggit ang nasa nakapanlulumong kalagayan kundi maging saan mang sulok ng Pilipinas. "tapon doon tapon dito",sa ganitong gawi ay lalo lamang natin pinatutunayan ang kawalang disiplina ng bawat isa. Paano na lamang ang  susunod pang henerasyon?Ang mga nakakalbong kagubatan at maduming kapaligiran ang mga piping saksi sa ating pagkakamali at ang awiting ito ang nagsalita sa kanilang tunay na katayuan. Nakasisiguro rin naman ako na kung may kakayahan nga ang kalikasan na gawin iyon ay higit pa riyan ang kanyang sasabihin. Ibinabato natin sa dakilang lumikha ang sisi sa tuwing makararanas tayo ng anumang kalamidad na kumikitil ng maraming buhay maging dito o sa labas ng ating bansa. Ngunit hindi rin ba sumagi sa ating isip ang ating pagkakamali? kaya ng niya nilalang ang kalikasan upang maging ating pananggalang pagdating sa ganyang sitwasyon. kung ako'y iyong tatanungin hindi ko masasabing tuluyan na akong nagising ngunit unti unti ng namumulat ang aking mga mata at gumagawa ng kilos na maaring makapagpalaya sa inang kalikasan mula sa pagkakabilanggo sa pang aalipusta.

     Ang awiting ito ay hindi lamang basta nakagbibigay aliw at kasiyahan sapagkat sa likod ng mga liriko at maganda nitong himig ay mapagtatanto natin ang tunay nitong nilalaman. atin sanang paka tandaan na walang instrumento na maaaring makapagbalik sa atin sa nakaraan. hindi na natin maaring baguhin ang anumang pagkakamaling nagawa, ngunit kung kikilos tayo sa kasalukuyan ay maaring maisalba pa natin ang naghihikahos na inang kalikasan."may bukas pa ang ating mundo".